Si Mark ay galing sa mahirap na pamilya. Maliit lang ang bahay nila na yari sa tagpi-tagping kahoy. Minsan kapag umuulan tumatagas ang tubig sa loob na kanilang bahay. Meron siyang tatlo pang kapatid at siya ang panganay sa mga ito. Ang kanyang ama ay isang karpentero at ang kanyang ina ay minsan nag lalabandera sa kanilang mga kapitbahay.
Nangangarap si Mark na magkaroon ng magandang kinabukasan. Kaya kahit mahirap sila ay nagsiskap siyang pumasok sa eskwela araw-araw. Nagtitiis siya kahit minsan ay wala siyang baon at naglalakad lamang siya papuntang paaralan, umulan man at umaraw. Kaya naman ang nag-iisang sapatos niyang pang-eskwela ay halos sira na at talagang kailangan ng palitan. Pinagtitiyagaan at minamahal parin niya ito at hindi siya nagrereklamo sa kanyang mga magulang. Kaya naman pag ang luma niyang sapatos ay nasira siya mismo ang umaayos ng mga ito.
Mabuti at masipag na bata si Mark. Tumutulong siya sa kanyang mga magulang sa paghahanap buhay. Nagbebenta siya ng mga lumang dyaryo at bote na kinulekta nya sa kanilang mga kapit bahay. Tumutulong din siya sa kanyang ina sa pagkukulekta ng labahan at pag-aalaga ng kanyang mga kapatid. Sa gabi kahit madilim na at isang lampara lang ang ginagamit niya patuloy parin siya sa pagbabasa at paggawa ng kanyang mga takdang aralin. Tunay na pinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang.
Isang araw habang nangungulekta siya ng mga lumang bote at diyaryo ay napadaan siya sa isang malaki at magarang bahay. Napamangha siya sa ganda at laki nito at nasabi niya sa kanyang sarili “Sana magkaroon din kami ng ganitong kaganda at kalaking bahay baling araw.” Maya-maya isang magandang kotse ang pumarada sa harapan ng bahay. Nakita niyang bumaba ang isang batang lalaki na kasing idad niya. May magarang kasuotan ang batang ito at mukhang may malusog na pangangatawan. “Marahil ay marami din siyang magagandang laruan.” At “Nag-aaral marahil siya sa sikat at pribadong paaralan” ” ang sabi niya sa kanyang sarili. Nalungkot si mark dahil alam niya na hindi niya puwedeng kaibiganin ang batang ito sapagkat mahirap lamang siya at alam niya na hindi rin naman siya papansinin nito kahit na magpakilala siya. Kinuha niya ang kanya mga dalahin at nagpatuloy sa paglalakad.
Minsan ay napadaan siya muli sa malaki at magarang bahay upang mangulekta ng lumang diyaryo at mga bote. Nakita niya ang batang lalaki na mag-isang naglalaro sa loob ng kanilang bakuran. Napapalibutan ito ng magagandang laruan ngunit napansin niya na hindi ito masaya. Nang napansin ng guwardya na nakatingin siya sa bata ay tinaboy siya nito at agad na pinaalis.
Hindi naalis sa kanyan isipan ang malungkot na mukha ng mayamang batang lalaki. Nagtataka siya kung bakit ito malungkot kahit na napapalibutan ito ng marami at magagandang laruan. Nagtaka din siya kung bakit ito nag-iisa at walang kalaro.
Minsan ay naiisip niyang sumilip na palihim sa bakuran ng malaking bahay upang tignan ang mayamang batang lalaki. Nagulat siya sa kanyang nakita na ang batang ito ay naka upo sa isang wheelchair at sinusubuan ng kanyang tagapag-alaga. Maputla ito at mukhang mahinang mahina. Ibang-iba ang itsura nito nung una niyang makita. Lubos na nalungkot si Mark at awa ang kanyang nadama sa mayang batang lalaki.
Nais ni Mark na pasiyahin ang mayamang batang lalaki at ipakita ang kanyang pagnanais na ito ay gumaling. Ngunit wala siyang maisip na paraan kung paano niya ito maipapakita at maipaparating. Wala siyang pera pangbili ng kahit anong maibibigay niya, kahit sana isang mansanas lamang. Habang nag-iisip ay nakita niya ang kanyang kapatid na gumagawa ng isang eroplanong yari sa papel. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang isang magandang paraan kung papaano niya maipaparating ang kanyang mensahe sa mayang batang lalaki. Kumuha siya ng isang malinis na papel at sinulatan niya ito ng isang mensahe. Ang mensahe niya ay:
“Nais ko sanang makita ka muli na malusog at malakas. Nais ko din makita ka na nakangiti. Magpagaling ka sana.”
Kinabukasan ay nakita niya muli ang mayamang batang lalaki na nasa kanilang bakuran. Saktong magisa lamang ito at mukhang may hinihintay. Sinamantala niya ang pagkakataon na paliparin ang ginawa niyang eroplanong papel. Inihagis niya ang eroplanong yari sa papel at saktong bumagsak ito sa harapan ng mayamang batang lalaki. Nung nakita ito ni Mark ay daglian siyang umalis ng may malakas na tibok sa kanyang puso. Magkahalong takot at saya ang nadama niya ng mga oras na iyon. Hinihiling niya na sana ay makita ng mayamang batang lalaki ang mensahe niya na isinulat sa eroplanong papel.
Lumipas ang mga araw. Wala na siyang balita sa mayamang batang lalaki. Minsan ay dumadaan siya sa bahay nito ngunit hindi na niya ito nakitang muli. Nalaman niya na katulong at ang gwardya na lamang ang nakatira sa malaki at magarang bahay. Nalungkot siya ng malaman na ang mayamang batang lalaki ay umalis na daw ng bansa upang duon ay magpatingin at magpagaling.
Araw-araw ay hindi tumigil si Mark na isama sa kanyang panalangin ang kahilingan na sana ay pagalingin ang mayamang batang lalaki sa kanyang malubhang karamdaman. Hindi humiling si Mark ng materyal na bagay. Ang kanyang palaging panalangin ay ang kalusugan niya at ng kanyang pamilya at kahit ng ibang tao katulad ng sa mayamang batang lalaki. Masaya na siya na makita silang malusog at malakas.
Isang hindi inaasahan pangyayari ang biglang dumating sa buhay ni Mark. Habang nagungulekta ng lumang dyaryo at mga bote ay napadaan siyang muli sa malaki at magarang bahay. Nagulat siya ng tinawag siyang bigla ng gwardya nito. Sa pag-aakala na bibigyan siya ng lumang dyaryo at bote ay lumapit siya rito. Hindi inaasahan na pinapasok siya nito sa loob at sinabing maghintay siya ng sandali. Ilang segundo lang at may lumabas sa bahay. Hindi ito ang gwardya at lalo na ang katulong ng malaking bahay. Ang mayamang batang lalaki ang lumabas at may dalang malaking kahon. Nagulat siya ng makita niya na malakas na ito at nakakalakad na muli. Lubos na saya ang nadama niya sa kanyang nakita. Nakangiti itong lumapit sa kanya.
“Kamusta.” sabi ng mayamang batang lalaki. Hindi makaimik sa pagtataka si Mark. Dumukot sa bulsa ang batang mayamang lalaki at inabot sa kanya ang eroplanong papel na kanyang ginawa at nagsabi “Heto nga pala yung eroplanong pinalipad mo sa bakuran namin.” Nagulat si Mark at nagtatakang kinuha ito. “Papano mo nalaman na ako ang nagpalipad nito?” “Nakita kasi kita nung araw na pinalipad mo ang eroplanong yan eh” tugon sa kanya ng batang lalaki. Lubos na hiya ang nadama ni Mark at siya ay napayuko. “Salamat ha. Dahil sa mensahe mo sa eroplanong papel lumakas ang loob kong magpagamot at magpagaling. Masaya akong malaman na bukod sa aking mga magulang ay may nagnanais na ako ay gumaling” ang sambit ng mayamang batang lalaki. Nagulat siya sa narinig. Inabot sa kanya ang malaking kahon na dala nito. “Buksan mo. Hindi ko alam kung ano ang gusto mo at kung papano ako magpapasalamat sayo. Sana magustuhan mo ang regalo ko”. Binuksan ni Mark ang malaking kahon. Ito ay naglalaman ng magagandang damit at sapatos at magagandang mga laruan. “Hindi ko ito matatanggap” sabi ni Mark habang inaabot na pabalik sa mayamang batang lalaki ang malaking kahon. “At hindi mo din kailangang magpasalamat sakin.”. Nagulat ang bata sa kanyang sinabi. “Bakit?” “Sapat na ang makita ko na dininig ng diyos ang aking panalangin ng makita kita na malakas na at masaya na ko dahil dito.”
Naligayahan at humanga ang mayamang batang lalaki kay Mark at biglang niyakap siya nito. “Hindi ko alam na may mabuting tao palang katulad mo.” “Nakikiusap ako na sana tanggapin mo ito at nais ko sana na maging kaibigan mo.” inabot muli ng mayamang batang lalaki ang kanyang regalo. Tinanggap ito ni Mark na may kasamang matamis na ngiti at sabi “Masaya akong maging kaibigan mo.” Hindi maipinta ang saya sa kanilang mga mukha.
Simula nuon ay naging mabuti silang magkaibigan. Naging masaya si Mark dahil sa munting eroplanong papel ay nakapagbigay siya ng malaking pag-asa. Ngayon ay alam niya at walang pagaalinlangang naniniwala na hindi imposible na magkaroon ng tunay na kaibigan kahit anu pa ang iyong kalagayan sa buhay. At ito din ay masasabing “ Isa sa mga tunay na yaman sa buhay!”.
No comments:
Post a Comment