Monday, October 10, 2011

Read My Heart Out: “Tayo’y Magpakatatag at Magtiwala”

Read My Heart Out: “Tayo’y Magpakatatag at Magtiwala”: Sa mga nangyayari sa panahon nating ito nagpapatunay lamang na kahit anung bagay na meron tayo sa mundong ito ay hindi nating kayang panghaw...

“Tayo’y Magpakatatag at Magtiwala”

Sa mga nangyayari sa panahon nating ito nagpapatunay lamang na kahit anung bagay na meron tayo sa mundong ito ay hindi nating kayang panghawakan. Maaari itong mawala at masira sa isang saglit lang, sa isang kisap-mata. Kahit na ito ay lubos nating pinahahalagahan at pinaka-iingatan. Wala tayong magagawa kung ito ay biglang kunin sa atin ng nagbigay sa atin ng lahat ng bagay na tinataglay natin ngayon. Ang ating kayamanan, salapi, kagamitan, magandang bahay, magandang kotse, at kahit pa ang ating taglay na buhay ay hindi natin kayang ingatan kung sakuna at pagsubok sa buhay ang ihaharap na sa atin.

Sa isang tunay na Iglesia ni Cristo, ang pinakamahalaga ay ang ating kahalalan at karapatan na dumalangin at magpuri sa tunay na DIYOS. Hindi ito nasisira at mananakaw ninuman. Ito’y sa atin kung ito ay tunay na pahahalagahan natin. Ito lamang ang bigay sa atin ng AMA upang sa gitna ng pagsubok, kahirapan, pag-uusig at pagkakasakit na talagang palubha ng palubha ay maingatan natin ang ating pagkatawag at pagkahirang. Ito ang dapat nating higit na pakaingatan at pahalagahan. Ang buhay natin ay mawawala sa mundong ito ngunit ang mga tunay na Iglesia ni Cristo ay hindi mawawalan ng pag-asa at pananampalataya, na sa pagkawala ng kanyang buhay sa mundong ito ay mapapalitan ito ng tunay na buhay.

Mga kapatid huwag tayong matakot, sumuko at mag-alinlangan. Ang mundo ay alam nating papunta sa kanyang kawakasan katulad ng buhay natin na doon din papunta. Ano mang pagsubok ang daanan natin at kahirapan na maranasan natin isipin natin ang Panginoong Jesus na naghirap din kasama natin nung narito siya sa mundong ito. Higit ang kanyang tiniis kaysa sa tinitiis natin ngayon. Siya ay nanatiling banal at walang dungis sa gitna ng mga makasalan. Siya ay hindi nag-alinlangan na sumunod sa utos ng AMA kahit na alam niya ang paghihirap at pagtitiis na dadanasin niya, masunod lamang ang kalooban ng ating AMA. Dahil sa pag-ibig niya sa atin maligaya niyang tinupad ang kanyang tungkulin na tayo ay kanyang pangunahan at iligtas. Minahal niya tayo ng lubos, tunay na minamahal niya ang kanyang IGLESIA.

Tayo ay IGLESIA ni Cristo. Ang huling Iglesia na madadatnan ng ating Panginoon Jesus sa muling pagpapakita niya sa atin. Tayo ang nagkapalad na magkaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng ating panalangin na may pananampalataya. Tayo ang binigyan ng AMA, ang ating Diyos na Buhay, ng karapatan na tumawag at humingi sa kanya. Makapangyarihan ang ating Diyos at walang Diyos liban sa kanya. Gamitin natin ang ating kapangyarihan na tumawag sa kanya upang magpalakas sa atin. Magbigay sa atin ng pag-asa. Magpatibay sa ating pananampalataya. Sapagkat ito lamang ang magkapagliligtas sa atin. Ang tapat at dalisay na panalangin sa AMA.

Ako ay walang kakayahan na magbigay at tumulong sa materyal na bagay. Maliit lamang ang kaya kong itulong sa aking mga kapatid. Ngunit ako ay dumadalangin sa higit na makakatulong sa bawat kapatid kong naghihirap ngayon. Isa ako sa sumasamo at humihiling sa AMA na palakasin at pagtibayin ang kalooban ng lahat ng kapatid sa Iglesia. At alam kong hindi ako bigo sa aking pananalangin. Batid ko din na ang pamamahala ay walang sawa sa pagkalinga sa bawat isa sa atin. Kaya naman maligaya ako kapag nalalalaman ko na sila ay namamahagi at tumutulong sa gitna ng sakuna at paghihirap ng mga kapatid at kahit pa sa hindi natin kapananampalataya. Ako, bilang sangkap ng Iglesia ay nagdadalamhati din sa kahirapan at mga sakuna na nangyayari at nararanasan natin. Ngunit batid ko na hindi tayo makakatakas sa pagsubok na ito. Sa halip dapat natin itong mapagtagumpayan. Sama-sama tayong lumaban, sama-sama natin itong pagtagumpayan. Magtulungan tayo para sa tagumpay ng Iglesia. Huwag tayong pahahadlang sa mga bagay na ito. Huwag tayong susuko sa pagbangon muli. Huwag tayong magsasawa sa pagbibigay ng kapurihan sa Diyos na lumalang sa atin. Tayo ay sa kanya kaya dapat natin italaga ang ating sarili sa AMA na nagbigay sa atin ng lahat ng bagay, ng ating buhay at magbibigay sa atin ng ikalawang buhay sa piling niya. Samantalahin natin ang pagkakataong ito, na nasa gitna tayo ng matitinding pagsubok. Ipakita natin sa Ama na karapat-dapat tayo na maging tagapagmana. Ipakita natin na mas mahalaga sa atin ang ating kahalalan at pagkatawag sa tunay na Iglesia. Ipamahagi natin ang ating pananampalataya sa iba upang maging lubos ang ating pananampalataya.

Purihin ang ating Ama, ngayon at magpakailanman.

Amen.